Napatingin sa akin ang butihing madre habang minamasahe ang aking mga kamay at braso dala ng biglaang pagkahilo ko makaraan ng sampung minuto pa lamang. "Ano naisip mo?" tanong niya sa akin.
"Na kaya hindi pa ako tuluyang sinundo ng ating Panginoon ay sa dahilang may mahalaga pa akong gagawin sa lupa." Wow!... kung sa English pa, heavy ang dating. Ma-drama di ba? Nagbunga eto ng ngiti mula kay Sr. Lea. Aniya "Tiyak naman na may pinapagawa pa SIYA sa 'yo Doc dito sa mundo. Kahit anong pagsubok, madali man o mahirap, ay nakayanan at kaya mo pa." Parang gusto ko nang tumawa ng malakas sa kadramahan ko kahit na nangangalay ang aking buong dibdib, likod at mga braso. Dalawangpong taon na mahigit ang karamdaman ko na 'to; sa totoo lang, di ko na alam kung papano maramdaman ang walangsakit o pangangalay sa katawan. Ang pagiging kenkoy ko, o palatawa ko ang siyang gamot na nakatiis ako ng mahabang panahon sa sakit sa katawan. Di na nga tiis ang palagay ko, kundi bahagi na ng buhay kaya bale wala na lang ang sakit. Naks! katapangan! Kayo na ang bahala mag-isip kung eto ay bola o katotohanan... di ba ngyayari rin eto sa inyo? Sa madaling salita, no big deal ang sakit sa katawan dahil lahat naman tayo nakakaranas nito. Maliban lang sa mas matindi at seryoso na dahilan: kung ang pananakit ay dala ng maselan na mga karamdaman tulad ng kanser sa bituka o colon, problema sa puso, diabetes at iba pa na komplikasyon resulta ng diabetes.
Tila parang alam ni Sr. Lea ang dahilan? Hindi siguro... O baka alam nga niya. Sa loob ng ilang buwan na namalagi siya sa aming bahay at nagmamasid sa kalagayan ko at mga kaganapan sa buhay namin ng anak kong si Alfonso (Aljon ang palayaw), madaling basahin ang nobela ng buhay ko. Bukas eto sa lahat. Walang misteryo, walang naitago sa mga taong malapit sa akin at sa mga taong nakadaupang palad ko.
Ilang beses na rin naman ako nakipagbakbakan sa karamdaman. Lumagay ako sa bingwit ng kamatayan ng limang beses sa loob lamang ng labing limang (15) taon magmula 1996. Eto ang taong inatake ako sa puso sa unang pagkataon. Nalampasan ko ang krisis na yun at ang mga sumunod pa na panganib nong 1998, 2003, 2005 at 2010. Resulta ng "angiogram" sa akin nuong 1996 nagpahayag ng dalawang primerang "artery" sa puso ko ay barado, dagdag pa ang kakulangan ng "oxygen" sa circulatory system ko or sakit na ischemia, nagdudulot ng kapos na hininga. Taong 2005 ng malaman ko na ako pala ay may diabetes. Eto ang nagpahirap lalo sa kalagayan ko. Ang pabago-bagong antas ng bilang ng "glucose" sa dugo ko ay napakahirap ayunan.
2009 ang isa sa pinakamahirap na taon sa 57 taon na ako ay buhay. Ang unos ay di natapos sa pagkamatay ng kaisa-isang tunay kong kapatid na si Ate Judy nung Hulyo 16. Colon cancer and dumale sa mahal kong kapatid. Ang mas matinding unos sa akin: ang sentensya ng kamatayan - kanser of the colon ay meron din ako! Taong 2010 na ako ay binugbog ng nakamamatay na mga sakit. Lumagay sa alanganin ang hanapbuhay ko. Naubusan ako ng lakas subalit pinilit kong tumayo pa rin sa dahilang wala akong maasahan na may tutulong sa akin at sa anak ko. Yan ang akala ko...
Dama na ba ninyo ang drama? sa buhay ng isang tao tulad ko? Hindi ako nagpapakenkoy mga mambabasa nitong nobela ko; sa halip, ako ay naniwala na lahat tayo ay may karanasang siphayo, pagsubok, o paghamon ng tadhana. Baka nga mas matindi pa ang pinagdaanan ng iba sa inyo. Aayon kayo sa katotohanang ilalahad ko sa inyo ngayon: na walang pagsubok na dumarating sa atin na hindi natin kayang harapin at lampasan; na ang paghamon sa atin ng tadhana ay nasa sa atin na ang pagpasya kung harapin natin ng buong tapang o magpakahina na lang at umayon sa kawalang pag-asa. Isa lang ang kinapitan ko, ang ating Panginoon. Dakila, makapangyarihan, maawain, higit sa lahat, ang lumikha sa akin, sa atin lahat na siyang tunay na nagmamahal sa atin. Tunay na kaibigan, ang ating Panginoon ay palagi nasa tabi lang natin, tawagin mo SIYA at hindi ka NIYA iiwanan. Maniwala kayo. Matagal na akong namayapa kung hindi ako yumakap ng mahigpit sa KANYA...
"Mahiga ka na Manang; hihilutin ko na kayo" ani Sr. Lea. Tuwing gabi, bago ako matulog, hihilutin niya ako. Matiyaga siyang ginagawa eto upang mapaige ang pakiramdam ko. Sa loob ng dalawang (2) buwan, ginawa ni Sr. Lea ang magpagod, magkalinga sa isang 57 anyos na katulad ko. Likas na mabait ang Diyos sa lahat ng oras!
Marahan ngunit madiin ang mga daliri ni Sr. Lea na dumantay sa likod ko. Sa pamagitan ng "pressure" ng kanyang kamay at daliri, naiibsan ang pananakit ng likod ko na nagsimula naman sa bigat at sakit na naramdaman ko sa dibdib. Eto ang eksena sa araw-araw na ako ay nakikibaka na manatiling buhay at humihinga sa dahilang may anak pa akong dapat kalingain at palakihin bilang obligasyon ng isang magulang.
Papano na ang isang katulad ni Sr. Lea na nagtitiyaga at kalingain ako ng ganito?
Abangan sa susunod na linggo...